Thursday, March 3, 2016

ANG HINDI LUMINGON SA PINANGGALINGA AY HINDI MAKAKARATING SA PAROROONAN.
Ang kasabihang ito ay isa sa pinakapopular sa mga Filipino at bukang bibig ng marami. Ang salitang lumingon sa kasabihang ito ay hindi tinutukoy ang literal na
tumingin patalikod upang tingnan ang pinanggalingan kundi ang tunay na kahulugang tumingin ng utang- na -loob. Ang salitang utang-na-loob ay nasa psyche ng Filipino, pangalawa lamang sa " bahala na " at kahanay ng " bukas na lamang o saka na lamang ". Ang mga Filipino ay kilala sa pagtanaw ng utang na loob. Ang nagbigay ng pabor ay umaasa ng pasasalamatat at sa kabilang banda naman ang binigyan ng pabor ay inaasahan ding magsusukli ng pasasalamat.

Kadalasan ang isang nagkapalad na maging matagumpay ay mayroong pinagkakautangan ng loob. Maaaring ito ay sa isang tao, isang organization o isang lugar. Ayon sa kaugalian o kinagisnan, upang makarating sa rurok ng tagumpay at makapanatili dito, kinakailangan na lumingon sa pinagkakautangan ng loob , Pasalamatan ang pagkakabangon sa mababang pinanggalingan at dapat mahalin ang lugar na kinagisnan na kung saan siya gumawa ng pangalan.
Marami ang nasisiyahan sa isang taong marunong gumanti at tumanaw ng utang na loob at nais pa nila ang patuloy niyang pagtatagumpay samantalang ang isang taong hindi marunong tumanaw ng utang na loob ay maraming nagagalit, maraming naiinggit at nangingimbulo.
Aminin man natin at hindi, maraming nangangarmang bumagsak ang taong hindi marunong tumanaw ng utang na loob kahit na hindi siya masasabing palalo, hambog o mapagmalaki. Sa kanila ang hindi pagtanaw ng utang na loob ay masasabi naring pagmamalaki o paghahambog.
Ang may maluwag sa kalooban na tumanaw ng utang na loob at mapakumbaba ay malapit sa tagumpay at sa pagtatamasa nito ng mahabang panahon. Ito ay isang katangian na dapat angkinin ng bawat isa - walang masamang karma na magiging balakid sa isang may hangaring magtagumpay. Kaya may katotohanan ang kasabihang ANG HINDI LUMINGON SA PINAGGALINGAN, HINDI MAKRARATING SA PAROROONAN at kung makarating man ay medyo mahihirapang manatili sa tugatog ng tagumpay.

No comments:

Post a Comment